By Rosalita Base-Manlangit
Abala ngayong araw ang mga Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC) sa pangunguna sa paglilinis ng mga baybaying dagat at mga tabing ilog at ganon din sa pagtatanim ng mga bakawan sa kani-kanilang bayan kaugnay ng pagmumulat ng kamalayan sa paghahanda sa kalamidad o National Disaster Conciousness Month na nagsimula ngayong araw.
Sa pagpupulong ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) kamakailan ay inihanda ang mga gagawin kaugnay ng pagmumulat ng kamalayan sa sakuna at kalamidad ng dalawang konseho o mga namumuno rito.
Ang paglilinis ng baybaying dagat ay isinasagawa ngayon sa Talisay River; Daet River; Dahican, Larap, Calero, Parang, Sta. Milagrosa, at Salvacion ng bayan ng Jose Panganiban; Bagumbayan at Poblacion Norte ng Paracale at ng mga tabing ilog naman sa Asdum River ng San Vicente; Labo at Matogdon River ng Labo; at Tugos at Poblacion Norte ng bayan ng Paracale.
Samantala abala rin sa pagtatanim ng bakawan ang pinanganganuhan MDRRMC ng Daet at Paracale at ganon pa rin ang bayan ng Daet para sa Lakad Takbo/Bagasbas Clean up.
Magkakaroon rin ng banal na misa sa bawat bayan bilang isa sa pangunang gawain at ganon din sisimulan ngayong araw ang paglalagay ng streamer, ang isang buwan na pagbibigay ng impormasyon tulad ng programa sa radyo at ang film showing sa mga plaza ng bawat bayan.
Ganon din tampok sa ika-5 ng Hulyo ang Climate Change Adaptation at Disaster Risk Reduction summit na dadaluhan ng lahat ng namumuno sa pagpapatupad ng programa sa kalamidad.
May hiwalay na pagsasanay naman ang bayan ng Labo ang Organization and Training para sa kanilang Barangay Emergency Action Teams (BERTs) na may walong batches na gagawin sa ika-11-23 ngayong buwan.
Magsasanay rin ng sabayang paghahanda sa tsunami ang mga bayan na malapit sa karagatan tulad ng Talisay, Daet, Basud, Mercedes, Vinzons, Capalonga, Sta. Elena, Paracale at Jose Panganiban samantalang sabayang earthquake/fire drill naman sa ibang natitirang mga bayan sa ika-27 ng Hulyo.
Magkakaroon rin ng paligsahan o DRR Olympics kung saan ang kampeyon ay tatanggap ng P10,000 bawat isa para sa kategoriya ng elementarya, sekondarya at kolehiyo sa ika-28 ng Hulyo.
Tema ngayon “Makialam, Makiisa sa Pagsugpo ng Panganib, May maitutulong ka”. (MAL/RBM, PIA Camarines Norte)
0 comments:
Post a Comment